Pagbangon ng ekonomiya prayoridad ni Leni – Trillanes
- Published on April 27, 2022
- by @peoplesbalita
PAGPAPANUMBALIK ng sigla ng ekonomiya sa pamamagitan ng pagbibigay tulong sa pamilyang Filipino, sa maliliit na negosyo, at sa mga nawalan ng trabaho ang priority ni VP Leni Robredo.
Ito ang binigyang diin ni dating Sen. Antonio “Sonny” Trillanes sa plano ni Robredo na “post-COVID recovery” na tutulong sa pagbangon ng mga maliliit na negosyo, o MSMEs, at papalakasin ang “purchasing power” ng mamamayan.
Ani Trillanes, na tumatakbo uli ng pagka-senador sa ilalim ng team ni Robredo, ang legislative priority ng bagong administrasyon ay isang mahabang listahan ng mga polisiyang pang-ekonomiya na magbibigay ng ayuda sa mga apektado ng pandemya.
“Kung tayo ay palaring maging senador muli, at kung maging presidente si VP Leni, ang unang ipapasa ko ay ‘yung kanyang post-COVID economic recovery program,” ani Trillanes.
Ang ilan sa mga panukalang ito ay ang unemployment insurance, ayuda sa mga MSMEs, at ayuda sa mahihirap na pamilya.
“Meron pong unemployment benefits tulad ng ayuda para sa nawalan ng trabaho, para may pantustos sila sa gastusin araw-araw habang naghahanap ng trabaho,” ani Trillanes.
“Isa rin dito ‘yung government employment program. Ito ‘yung mag-generate ng trabaho,” sabi pa niya. “Magkakaroon tayo ng subsidy o financial assistance sa mga maliliit na negosyo para private sector naman ang gagawa ng trabaho.”
Sa ilalim din ng “Hanapbuhay Para sa Lahat,” bibigyan ng mas malaking ayuda ang mga MSMEs habang sila ay isasama sa government procurement program. (Daris Jose)