• March 4, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Pagbabago sa Traslacion 2027 asahan – NCRPO, Quiapo

APAT na araw matapos ang Traslacion 2026, asahan na ang ilang mga pagbabago sa Traslacion 2027 matapos na apat na deboto ang namatay at abutin ng halos 31 oras ang tinagal ng Traslacion bago naibalik ang Poong Nazareno sa Quiapo church nitong Sabado.
Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director PMGen. Anthony Aberin, ngayon pa lamang ay aaralin na nila ang sitwasyon upang maplan­tsa ng maaga ang mga kailangang pagbabago sa sistema lalo’t parami ng parami ang nakikilahok sa nasabing kapistahan. Kabilang sa kanilang nakikitang pagbabago ay ang deployment ng mga tactical units kasama ang mga volunteers upang masiguro na walang haharang sa dadaanan ng Andas bagama’t sinasampahan ng mga deboto.

“Ang adjustment na gagawin natin is the deployment of tactical units na lang along the route. Mas maganda if gawin na lang na tutulong para ma-facilitate yung movement,” ani Aberin.

Aniya, nakakalungkot na may apat na deboto ang nasawi at inaabot ng higit 30 oras ang Traslacion ng Nazareno. Kabilang sa namatay ay ang photojournalist na si Ito Son ng pahayagang Saksi.
Samantala, ayon naman kay Nazareno 2026 spokesperson Fr. Robert Arellano, plano nilang muling baguhin ang Andas na pilit na inaabot at sinasampahan ng mga deboto. Aniya, nagkaroon ng matinding moisture ang glass enclosure ng imahe at nasira rin ang ibabang bahagi nito. Magkakaroon ng pagpupulong sa magiging bagong anyo ng Andas.
Ikinokonsidera rin ang pagpapaikli ng ruta ng Traslacion upang maibalik ang imahe ng Nazareno sa tamang oras.

Matatandaang una nang sinabi ng mga awtoridad na target nilang maipasok ang Nazareno sa loob ng 10 hanggang 15 oras na hindi nangyari nitong Biyernes.

Marami ring deboto, na karamihan ay mga agresibong kabataan, ang humaharang sa harapan ng Andas kaya’t bumagal ang pag-usad nito.

Gayunman, maituturing naman aniya, na generally peaceful dahil sa walang major crimes o incidents na naganap dahil sa sapat na seguridad sa idineploy na 18,000 kapulisan, at pagtutulungan ng iba pang ahensya ng gobyerno, pamunuan ng Quiapo Church, volunteers at lokal na pamahalaan
Tinatayang nasa 9.8 milyon ang lumahok sa Traslacion 2026.