Pagbaba ng trust rating ni PBBM, minaliit ng Malakanyang
- Published on October 16, 2025
- by @peoplesbalita
MINALIIT lang ng Malakanyang ang pagbaba ng trust ratings ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa katunayan, sa halip na mabahala sa resulta ng survey na isinagawa ng Social Weather Stations (SWS) ay ipinagpapatuloy pa ng Pangulo ang kanyang trabaho para labanan ang korapsyon.
Ang pahayag na ito ng Malakanyang ay bilang tugon sa Social Weather Stations survey kung saan makikita na bumaba sa 43% ang trust rating ng Pangulo para sa buwan ng Setyembre, 5 percentage points mula 48% trust rating na nakuha niya para sa buwan ng hunyo.
“Ang Pangulong Marcos, Jr. ay nakikita natin na tunay na nagtatrabaho at kumakalaban sa korapsyon, walang humpay para umangat ang buhay ng bawat Pilipino sa gitna ng mga kalamidad na kinakaharap natin,” ang sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa isang kalatas.
“Hindi man niya alintana ang numero sa mga survey, ikinalulugod niya na nararamdaman na ng mga kababayan natin na ang pangulo at ang gobyerno ay nandyan para sa kanila,” aniya pa rin.
Kung mapapansin, makailang ulit nang sinabi ng Malakanyang na mismong si Pangulong Marcos ang nagpasimula ng imbestigasyon kaugnay sa anomalya ng flood control projects.
Sa ulat, nakikita ng taumbayan na nagtatrabaho at kumakalaban sa korapsyon si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Tugon ito ng Malakanyang sa lumabas na pinakabagong survey ng Social Weather Stations (SWS), isinagawa mula Sept. 24 hanggang 30, 2025, ang survey kinapanayam ang 1,500 adults sa buong bansa ay mayroong ±3 percent margin of error na karamihan sa mga Filipino ay naniniwalang dapat na papanagutin si dating Pangulong Rodrigo “Digong” R. Duterte sa pagkasawi ng mga taong isinangkot sa war on drugs ng kanyang administrasyon.
Sa katunayan, ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, walang humpay na pagta-trabaho ang ginagawa ng Pangulo para umangat ang buhay ng bawat Pilipino sa gitna ng mga kalamidad na kinakaharap ng bansa.
“Hindi man niya alintana ang numero sa mga survey, pero ikinalulugod niya na nararamdaman na ng mga kababayan natin na ang pangulo at ang gobyerno ay nandyan para sa kanila,” ang sinabi ni Castro.
“Mulat na ang mga mata ng mga mamamayan kung sino ba talaga ang tunay na nagtatrabaho at nagmamalasakit sa kanila at hindi yung pansariling interest lang ang iniisip,” dagdag na wika nito.
Sa ulat, makikita sa resulta ng survey ng SWS na habang may 50% ng mga respondent ang sang-ayon na dapat na managot si Digong Duterte, may 32% naman ang kontra rito. Tinatayang 15% ang undecided, at 4% naman ang hindi nagbigay ng kanilang tugon.
Sa Visayas ang nakapagtala ng pinakamataas na ‘support for accountability’ na may 54%, sumunod ang Metro Manila (53%), Balance Luzon (52%), at Mindanao (39%).
Ipinalabas ang resulta ng survey kasunod ng kapasiyahan ng
International Criminal Court (ICC) na ibasura ang request ng kampo ni Digong Duterte na interim release.
Sa naging desisyon ng ICC, sinabi nito na kailangan na patuloy ang detensyon ng dating Pangulo upang “to ensure his appearance at trial, prevent him from obstructing the investigation or the proceedings; and to stop potential commission of further crimes.”
( Daris Jose)