Pag-relieve kay PNP Chief Torre III, may kinalaman sa napigilang reshuffle —DILG
- Published on August 27, 2025
- by @peoplesbalita
KINUMPIRMA ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na ang plano ni Police Gen. Nicolas Torre III na magsagawa ng reshuffle sa hanay ng Philippine National Police (PNP) ay isa sa mga dahilan ng kanyang pagka-“relief” sa puwesto.
‘That (Napolcom orders), among other things, is part of the consideration of the President,’ ani DILG Secretary Jonvic Remulla sa naganap na press briefing sa Camp Crame nitong Martes, Agosto 26, 2025.
Ayon kay Remulla, inutusan ng National Police Commission (Napolcom) si Torre na bawiin ang reassignment ng ilang matataas na opisyal, kabilang si Police Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., ang pangalawang pinakamataas na opisyal ng PNP na inilipat ni Torre sa Mindanao.
Sa opisyal na pahayag ng Napolcom, ang isinagawang appointment ay hindi dumaan sa en banc approval ng komisyon, na may kapangyarihang administratibo sa ilalim ng Republic Act 6975 o DILG Act.
Isinalarawan pa ni Remulla ang desisyong palitan si Torre ay mahirap pero kinakailangan, at isinagawa umano alang-alang sa “national interest” ng bansa.
“This was not an easy choice, but it was made in the national interest,” pahayag pa ni Remulla.
Dagdag pa ni Remulla, na nanindigan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na dapat gumana ang “security apparatus” na nakabalangkas sa ilalim ng batas, at igalang ang papel ng Napolcom.
( Daris Jose)