• March 2, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

PAG-APPLY SA COAST GUARD, WALANG BAYAD

NAGBABALA ang Philippine Coast Guard (PCG) laban sa mga indibidwal na nag-aalok ng tulong sa mga aplikante kapalit ng pera, at pinaalalahanan ang publiko na walang bayad ang pag-apply sa ahensya.

Ito ay matapos maaresto ang isang tauhan ng Coast Guard na umano’y humingi ng P300,000 kapalit ng pag-secure ng slot para sa mga aplikante.

Paalala ng PCG walang bayad ang pag-apply at kung may babayaran man ay para sa medical examination.

Ayon kay PCG spokesperson Captain Noemie Guirao-Cayabyab ang pagsusumite ng dokumento at pag-apply ay libre at walang reserved slot.

Sinabi ni Cayabyab na lahat ng aplikante ay dumadaan sa proseso tulad ng exam physical at fitness test at hindi kailangang magbayad dahil merit-based ang aplikasyon sa PCG.

Ipinaliwanag din ni Guirao-Cayabyab na masusing recruitment process ang ipinatutupad ng PCG dahil sa dami ng aplikante. Noong 2025, halos 44,000 ang nag-apply, ngunit 4,000 slots lamang ang available.

Hinimok niya ang mga aplikante na isumite ang kanilang aplikasyon sa opisyal na social media platforms ng PCG upang makaiwas sa gastusin sa pagbiyahe.( Gene Adsuara)