Pacquiao tutulak na sa Amerika
- Published on June 29, 2021
- by @peoplesbalita
Tutulak na pa-Amerika si eight-division world champion Manny Pacquiao sa susunod na linggo upang ipagpatuloy ang pukpukang ensayo sa Wild Card Gym sa Hollywood, California.
Nakatakdang umalis si Pacquiao sa Hulyo 3 para makasama sina Hall of Famer Freddie Roach at strength and conditioning expert Justine Fortune sa training camp doon.
Isa’t kalahating buwan na lamang ang nalalabi bago ang inaabangang bakbakan nito kay reigning World Boxing Council (WBC) at International Boxing Federation (IBF) welterweight champion Errol Spence Jr. sa Agosto 21 (Agosto 22 sa Maynila) na gaganapin sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas, Nevada.
Nais ni Pacquiao na maagang magtungo sa Amerika upang hindi na ito mahirapan pang mag-adjust sa weather doon at ang body clock nito.
“Ngayong July 3, para pagdating ko doon hindi na ako mahihirapang mag-adjust,” ani Pacquiao sa programang Power and Play.