Pacquiao tuloy lang sa ensayo
- Published on July 21, 2021
- by @peoplesbalita
Tuluy-tuloy lang ang puspusang training camp si People’s Champion Manny Pacquiao sa kabila ng mga isyung pulitikal nito sa Maynila.
Napaulat na tinanggal ito bilang pangulo ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) sa ginanap na national assembly ng partido noong Sabado ng gabi sa Clark, Pampanga.
Ipinalit sa kanyang puwesto si Energy Secretary Alfonso Cusi sa pamamagitan ng isang eleksiyon.
Subalit ayaw ni Pacquiao na magpaapekto sa isyu. Kaya naman tuloy lang sa kanyang training camp ang eight-division world champion sa Wild Card Gym sa Hollywood, California upang paghandaan ang laban nito kay Errol Spence Jr. sa Agosto 21 (Agosto 22 sa Maynila) sa Las Vegas, Nevada.
Ilang videos at mga litrato ang ipinost ni Pacquiao sa kanyang social media account kung saan nag-situps pa ito sa harap ng kanyang mga fans kasabay ng pagtugtog ng isang banda.