Pacman handa na sa laban
- Published on June 10, 2020
- by @peoplesbalita
Ibinida ng kampo ni boxing superstar Sen. Manny Pacquiao na handa ito at hindi na kailangan ang mahabang oras upang magpalakas sakaling muling tumapak sa ibabaw ng ring.
Ito ang reaksyon ng Pacquiao camp sa pahayag ni Top Rank big boss Bob Arum na niluluto na umano nito ang bakbakan sa pagitan ng Fighting Senator at ni WBO welterweight champion Terence Crawford.
Sinabi ni head trainer-coach Buboy Fernandez na handa si Pacman anomang oras matanggap nila ang petsa para sumabak sa laban ang kanyang alaga.
Isiniwalat ni Fernandez na kahit may lockdown, tuloy-tuloy ang light training ni Pacquiao kaya hindi problema ang pagpapatibay sa stamina nito sa oras na ilabas na ang schedule.
Pero ayon kay Fernandez, nasa kanila pa rin ang huling salita kung sino ang gustong sagupain ng Pambansang Kamao.
Sa ngayon ay naghihintay umano sila kung may mabubuong kasunduan sa pagitan ng magkabilang panig.