• October 19, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 20, 2025
    Current time: October 20, 2025 1:56 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

P46 bilyong na nakuha sa maanomalyang mga flood control projects dapat mapunta sa programang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps)

HINDI panandalian, kundi panghabambuhay na kabuhayan at kakayahan para maiangat ang kalidad ng pamumuhay ng mamamayan ang dapat na layunin.

Ayon kay House Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal (ML) Partylist Rep. Leila de Lima, mas magandang magamit ang P46 bilyong na nakuha mula sa maanomalyang mga flood control projects para sa mga programang tulad ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at iba pang mga sustainable livelihood programs ng DSWD.

Bilang pangunahing author at sponsor ng 4Ps Law, nakita niya aniya ang kongkretong tagumpay ng programa kung saan milyon-milyon na kababayan ang natulungan at siya na ngayong may kakayahang makatulong at makaambag sa lipunan.

Mayroon mang mga hinaharap na hamon ang programa, pero malinaw ang nakalatag ditong mga kondisyon bago ipagkaloob sa mga benepisyaryo ang suporta ng gobyerno, at ang pagkakaroon ng mekanismo ng monitoring para tugunan ang mga reklamo at pang-aabuso.

Sinabi nito na mas makakatulong din ang dagdag na pondo para sa Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan – Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (KALAHI-CIDSS) at iba pang sustainable livelihood programs ng gobyerno, lalo na sa mga nasalanta ng kalamidad, kung saan kasama ang mga benepisyaryo sa tumutukoy ng nararapat na serbisyo at programang pangkabuhayan para sa kanilang komunidad.

Inihayag nito na hindi pera ng mga politiko ang pera ng gobyerno at hindi rin ito basura na ipapamudmod lang sa mga kurakot at kasabwat sa anomalya.

Ayon pa dito, hindi ito dapat gamitin para tumanaw ng utang na loob ang mga Pilipino, kundi para maibalik bilang makabuluhang serbisyo ang perang pinagpaguran at pagmamay-ari ng taumbayan.