P442K droga, nasabat sa 2 bagets sa Caloocan buy bust
- Published on June 18, 2025
- by @peoplesbalita
UMABOT sa mahigit P.4 milyong halaga ng shabu ang nasamsam sa dalawang drug suspects, kabilang ang isang bebot matapos maaresto ng pulisya sa isinagawang buy bust operation sa Caloocan City.
Sa kanyang report kay Northern Police District (NPD) District Director P/BGen. Josefino Ligan, kinilala ni District Drug Enforcement Unit (DDEU) chief P/Capt. Regie Pobadora ang mga suspek na si alyas “Bebe,” 20, at alyas “Jeanna,” 21.
Ayon kay Capt. Pobadora, nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa umano’y ilegal drug activities ng mga suspek kaya isinailalim nila ang mga ito sa surviellance operation.
Nang positibo ang report, ikinasa ng mga tauhan nila ang buy bust operation, sa koordinasyon sa PDEA na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek dakong alas-2:30 ng madaling araw sa Brgy., 185, Tala Malaria.
Nasamsam sa mga suspek ang humigi’t kumulang 65 grams ng hinihinalang shabu na may estimated street value na P442,000.00 at buy bust money.
Pinuri naman ni Gen. Ligan ang pagsisikap ng DDEU sa paglaban sa ilegal na droga na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek na mahaharap sa kasong paglabag sa R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (Richard Mesa)