P4.5 bilyong confidential, intel funds ng Office of the President mananatili
- Published on November 22, 2022
- by @peoplesbalita
MAAARING manatili na lamang ang P4.5 bilyon na panukalang confidential at intelligence funds (CIFs) ng Office of the President (OP).
Ayon kay Senador Sonny Angara, chairman ng Senate committee on finance, ito ay sa sandaling amyendahan ng Senado ang panukalang P5.268 trilyong 2023 General Appropriations Bill (GAB).
Idinagdag pa ni Angara na wala siyang nakikitang dahilan para bawasan ang CIFs ng Pangulo dahil hindi naman humingi ng dagdag nito si Pangulong Bongbong Marcos.
Nanatili umano ang nasabing pondo simula noong panahon ni dating pangulong Rodrigo Duterte at ngayon panahon ni Marcos ay hindi na ito pinadagdagan pa ng Pangulo.
Kaya patas lamang umano na kung ano ang nasa ilalim ni Duterte ay siya rin ibigay kay Marcos.
“So, sa amin, parang fair lang ‘yun — kung ano ‘yung nasa ilalim ni Pangulong Duterte, ‘yun din ang dapat ibigay kay Pangulong Marcos, lalong-lalo na at napakalaki ng kanyang mandato, maraming umaasa po sa kanya at talagang siya po ang responsable,” sabi pa ni Angara. (Daris Jose)