• March 9, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

P370K shabu, nasamsam sa HVI tulak sa Valenzuela

NASAMSAM sa isang tulak ng droga na itinuturing bilang High Value Individual (HVI) ang mahigit P.3 milyong halaga ng shabu makaraang maaresto ng pulisya sa isinagawang buy bust operation sa Valenzuela City.

Sa kanyang report kay Northern Police District (NPD) District Director P/BGen. Josefino Ligan, kinilala ni Valenzuela City Police Station OIC chief P/Col. Relly Arnedo ang naarestong suspek na si alyas “Bulag”, 52.

Ayon kay Col. Arnedo, ikinasa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Capt. Joan Dorado ang buy bust operation, sa koordinasyon sa PDEA matapos ang natanggap na impormasyon hinggil sa umano’y pagbebenta ng suspek ng shabu.

Nang tanggapin umano ng suspek ang marked money mula sa pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu, agad siyang dinamba ng mga operatiba dakong alas-11:30 ng gabi sa NPC Road, Lamesa St., Ext., Brgy., Ugong.

Nakumpiska sa suspek ang humigi’t kumulang 55 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P374,000, buy busy money na isang P500 bill at walong pirasong P1,000 boodle money at P200 cash.

Ani P/MSgt. Ana Liza Antonio, kasong paglabag sa Sections 5 at 11, under Article II ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang isasampang kaso laban sa suspek sa Valenzuela City Prosecutor’s Office.

Pinuri naman ni Gen. Ligan ang Valenzuela City Police Station sa kanilang dedikasyon at pare-parehong pagganap sa paglabagin sa ilegal na droga. “This is a clear result of teamwork, persistence, and our commitment to rid our communities of illegal drugs,” aniya. (Richard Mesa)