• October 19, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

P300-M pondo para sa pagkukumpuni ng dalawang tulay sa Tarlac, ilalaan ng gobyerno-PBBM

INIHAYAG ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na maglalaan ang national government nang humigit-kumulang P300 milyon sa local government unit (LGU) ng Tarlac City para pondohan ang pagpapagawa sa dalawang nasirang tulay sa kasagsagan ng bagyo at pagbaha.

Ayon sa Pangulo, ida-download ang pondo sa lokal na pamahalaan upang mapabilis ang pagsasagawa ng repair works sa mga tulay.

“So, para maging mas mabilis ang trabaho, we will be downloading PhP300 million to the local government dahil ito ay local bridge. Kaya sila ang kailangang magtatrabaho dito. Siyempre, tutulungan natin, tutulungan sa technical aspects and we’ll help them in every way that we can,” pahayag ni Pangulong Marcos matapos inspeksyunin ang mga nasirang Aquino at Agana bridges sa Tarlac City.

“But just so that it is properly funded, it will go through the local government. The P300 million that will come from the national government, ibibigay natin sa local government. And of course, local government and the national government magtutulungan para maging mas mabilis,” dagdag ng Pangulo.

Sa isinagawang inspeksyon sa Agana Bridge sa Romulo Boulevard, Barangay Cut-Cut 1, Tarlac City, inutusan ng Pangulo si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon na agad kumpunihin ang tulay at maglagay ng Bailey bridge bilang pansamantalang daanan.

Ang Bailey bridge ay isang portable at pre-fabricated na truss bridge na idinisenyo upang mabilis na mai-assemble nang hindi nangangailangan ng mabibigat na makinarya.

“So right now, ang ginagawa dito ay nagbubuo ng Bailey bridge para makatawid, para ilalagay, para palitan ‘yung section na natanggal, na natangay ng ilog,” paliwanag pa ng Pangulo.

Ayon kay Pangulong Marcos, inaasahang mai-install ang Bailey bridge sa loob ng isang linggo.

Sa loob naman ng dalawang linggo, umaasa ang Pangulo na magiging passable na sa mga sasakyan ang na-repair na tulay kung saan unang padadaanin ang maliliit na sasakyan at may bigat na 10 tonelada o mas mababa, gaya ng mga van. 

(DARIS JOSE)