P2K allowance sa PWDs, hirit sa Kamara
- Published on November 22, 2022
- by @peoplesbalita
INIHAIN ni Quezon City Rep. PM Vargas sa Kongreao ang pagbibigay ng P2,000 support allowance kada buwan sa mga persons with disabilities (PWDs) bilang tulong sa mga ito.
Sa panukalang Disability Support Allowance Act (House Bill 5803), sinabi ni Vargas na ang nabanggit na social support program ay itinutulak din ng advocacy group na Life Haven Center for Independent Living, Nationwide Organization of Visually-Impaired Empower Ladies at Philippine Coalition on United Nations Convention on the Rights of Persons with Disabilities.
Batay sa panukala, unang makatatanggap ang mga edad 17 taong gulang pababa at makalipas ang tatlong taon ay susunod naman ang 18 hanggang 59-anyos at makalipas ang tatlong taon ay ang nalalabing age bracket.
Aniya, dala na rin ng hirap na makapagtrabaho ang mga PWD at bunsod ng banta ng COVID-19 patuloy na naghihirap ang mga ito at hindi na makaahon sa buhay.
Ayon sa solon, ang mga PWD ay tinatayang 12% ng populasyon ng bansa.
“In a just and humane society that leaves no one behind, it is important that we ensure equitable access and empower persons with disabilities to free themselves and their families from the poverty trap,” dagdag pa ng solon.
Upang hindi mabigla ang gobyerno sa kakailanganing pondo, iminungkahi sa panukala ang progressive roll-out ng programa. (Daris Jose)