P22.8 bilyong assets sa flood scam na-freeze ng AMLC
- Published on January 23, 2026
- by @peoplesbalita
UMAABOT na sa 15 freeze order na kinapapalooban ng P22.869 bilyong mga ari-arian ang na-freeze na ngayon ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) may kinalaman sa ghost flood control projects sa bansa.
Ang hakbang ay alinsunod sa Anti-Money Laundering Act na nagbibigay kapangyarihan sa AMLC na mai-freeze ang mga kwestyonableng transaksiyon sa pamahalaan.
Ang naturang freeze orders ay mula sa assets ng 724 indibidwal at 537 kompanya tulad ng mga companies.
Ang P22.8 bilyong assets ay kapapalooban ng P14 billion (6,692 bank accounts), P4.8 billion (10 air assets), P2.1 billion (161 real estate properties), P902.1 million (other investments), P490 million (394 insurance accounts), P445.2 million (229 motor vehicles) at P400,639 (16 e-wallet accounts).
Iniulat ng AMLC na handa na silang magsampa ng forfeiture case makaraan ang anim na buwan para maibalik ang mga assets sa kaban ng pamahalaan.
Una nang napaulat na na-freeze na ang ilang yaman ni dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co at contractor na si Sarah Discaya matapos akusahan na nagkaroon umano ng kickback sa flood control projects sa gobyerno.
Nang ibunyag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang SONA noong nakaraang taon ang 15 contractor na kakutsaba ng ilang opisyal ng gobyerno ay isa-isa nang nabuko ang umano’y limpak na salapi na nakuha umano ng mga engineer ng DPWH at contractor dahil sa pakikipagkutsabahan sa ilang Congressman at Senador.