P20/kg. rice magiging available sa mga jeepney, tricycle drivers simula Sept. 16- DA
- Published on August 29, 2025
- by @peoplesbalita
INANUNSYO ng Department of Agriculture (DA) na kasama na ang jeepney at tricycle drivers sa P20 per kg. rice program “Benteng Bigas Meron (BBM) Na” simula Sept. 16.
Sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na ang pagpapalawak ay napagkasunduan nila nina Transportation Secretary Vince Dizon at Navotas Mayor John Rey Tiangco sa paglulunsad ng programa para sa mga mangingisda sa Navotas Fish Port.
“I have earlier agreed with Sec. Vince, and the mayor was also here, to include in the BBM Na program those who are in TODA (Tricycle Operators and Drivers Association), transport workers,” ayon kay Tiu Laurel .
Kasama ang mga ito sa pagpapalawig lalo pa’t ang “jeepney and tricycle drivers are very susceptible to fuel price fluctuations.”
Sa Navotas lamang, sinabi ni Tiangco na may 4,000 transport workers ang nakalista sa ilalim ng TODA.
Ani Tiu Laurel, ilulunsad nila ang BBM Na para sa mga TODA drivers sa limang piling lugar sa bansa sa Sept. 16, isinasapinal pa ang mga lokasyon aniya.
Winika pa ni Tiu Laurel, na ang listahan ng eligible beneficiaries sa ilalim ng TODA ay manggagaling mula sa Department of Transportation (DOTr).
Maaari rin aniyang bumili ang mga ito ng mas murang bigas sa Kadiwa ng Pangulo (KNP) markets o sa mga accredited sites sa municipal offices.
Isang 10-kg. monthly purchase limit ay ia-apply rin sa TODA beneficiaries.
Maliban sa jeepney at tricycle drivers, sinabi pa ni Tiu Laurel na ang P20 per kg. rice program ay nakatakda ring palawakin sa iba pang lokal na magsasaka sa labas ng rice sector at sa lalong madaling panahon ay mas magiging accessible sa pamamagitan ng National Food Authority (NFA) warehouses sa buong bansa.
Sa kasalukuyan, ang BBM Na ay available para sa mga mangingisda at fish workers, local rice farmers, minimum wage earners, at mga miyembro ng vulnerable sectors, kabilang na ang mga senior citizens, persons with disabilities, solo parents, mga banepisaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), at Walang Gutom Program.
Samantala, sinabi ngn DA na isinasapinal na nito ang QR code system para i- streamline ang monitoring ng pagbili.
Sa taong 2026, layon ng gobyerno na sakupin ang 15 milyong sambahayan sa ilalim ng programa.
Sa ngayon, ang P20 per kg. ay available sa 212 KNP sites sa buong bansa, napakikinabangan ng 500,000 indibiduwal. ( Daris Jose)