• January 15, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

P180 bilyong nawawala sa ghost flood control projects

MAHIGIT P180 bilyon ang nawawala sa ghost flood control projects simula pa noong 2016, hindi pa kasama ang mga substandard, ayon kay Senate President Pro Tempore Ping Lacson.

Sinabi ni Lacson na base ito sa humigit kumulang na 10,000 proyekto na nainspeksyon kung saan mahigit 600 ang natukoy na ghost projects.

“Ang Universe ng flood control projects mula 2016 hanggang to date, mga 30,000. So kung extrapolate natin easily 6% ng 10,000 nasa 600 ka na mahigit na,” saad pa ng Senador.

Kung magpapatuloy aniya ang trend ay paakyat pa ito kaya hindi lang 6% ng 30,000 o nasa P180 bilyon mahigit ang napunta sa ghost hindi pa kasama rito ang ­substandard projects.

Naniniwala naman si Lacson na maliit na numero lamang ang naungkat at natalakay ng Senate Blue Ribbon Committee kumpara sa kabuuang bilang ng mga posibleng ghost projects.

Nababahala naman ang Senador na ang P110 bilyon na ibinalik ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) district engineer Henry Alcantara noong nakaraang linggo ay kititing lamang, kahit pa inaasahang magbabalik pa siya ng karagdagang P200 milyon sa mga darating na linggo.
Sinabi naman ni Lacson na handa ang Blue Ribbon na tumulong sa mga ahensiyang tulad ng Independent Commission for Infrastructure (ICI), Department of Justice, at Office of the Ombudsman sa pagsampa ng kaso laban sa mga sangkot kung makakatanggap sila ng bagong impormasyon.