P160K droga, baril nasamsam sa apat drug suspects sa Malabon
- Published on November 26, 2024
- by @peoplesbalita
BAGSAK sa kalaboso ang apat drug suspects, kabilang ang babae matapos makuhanan ng baril at mahigit P.1 milyong halaga ng shabu nang maaresto ng pulisya sa nagkahiwalay na buy bust operation sa Malabon City.
Sa kanyang report kay Northern Police District (NPD) OIC Director P/Col. Josefino Ligan, kinilala ni Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan ang naarestong mga suspek na si alyas “Miling”, 20, at alyas “Jayson”, 31, scavenger, kapwa ng residente ng Brgy. Longos.
Ayon kay Col. Baybayan, bago ang pagkakadakip sa mga suspek ay unang nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) hinggil sa umano’y pagbebenta ng shabu ni alyas Miling.
Nang magawang makipagtransaksyon ng droga kay alyas Miling ng isa sa mga operatiba ay agad ikinasa ng SDEU ang buy bust operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek dakong alas-11:10 ng gabi sa Valdez St., Extension, Brgy. Catmon.
Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 13.25 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P90,100.00, P500 buy bust money, itim na pouch at isang motorsiklo habang ang isang caliber .38 revolver na kargado ng tatlong bala ay nakuha kay ‘Miling’.
Alas-5:00 ng madaling araw nang madakma naman ng kabilang team ng SDEU sa buy bust operation sa Dulong Roque St., Brgy. Tonsuya sina alyas “Totoy”, 32, ng Malinta, Valenzuela at alyas “Jona”, 45, L300 driver, ng Obando Bulacan at nakuha sa kanila ang nasa 10.2 grams ng suspected shabu na may katumbas na halagang P69,360 at buy bust money.
Ani PSSg Jerry Basungit, mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 habang karagdagan pa na kasong paglabag sa RA 10591 ang kakaharapin ni alyas Miling. (Richard Mesa)