P150M ‘incentives’ para sa budget votes, itinanggi
- Published on December 30, 2025
- by @peoplesbalita
ITINANGGI ni House Appropriations Committee Chairperson at Nueva Ecija Rep. Mikaela Suansing ang pahiwatig na may insentibo na inalok sa mga mambabatas na boboto para sa ratipikasyon ng 2026 General Appropriations Bill, na inaprubahan ng Bicameral Conference Committee.
“Hindi po ini-impluwensiyahan ng House leadership ang sinumang indibidwal na miyembro ng Kamara na bumoto ng kung paanong paraan,” ani Suansing.
Ayon sa Kongresista, nananatili ang polisiya ng liderato ng Kamara at prinsipyong libreng makaboto ang bawat mambabatas sa mga panukalang batas na napili nilang suportahan o hindi.
“The House of Representatives is a collegial body. We respect each member to have the freedom to vote and to decide based on the needs of their constituents and their conscience,” diin ni Suansing.
Ilang reporma ang pinasimulan ng para gawing mas transparent ang proseso ng budget at mas accountable ang mga mambabatas sa national budget.
Kabilang sa reporma ang pagbuo ng Budget Amendment and Review Sub-Committee (BARSc) para palitan ang small committee na tutugma sa senate counterparts sa bicameral conference committee.
Nagsagawa rin ng konsultasyon sa kaukulang civil society organizations kaugnay sa budget.
Sa pamamagitan ng mga nasabing inisyatibo, nabusisi nang husto ang national budget.
Ang BARSc ay nagdagdag ng 20 oras para rebyuhin ang panukalang general appropriations bill bago ito isinumite sa plenaryo.
Nagkasundo ang dalawang kapulungan ng kongreso para s a pagsasagawa ng kauna-unahang bicameral conference committee meeting na bukas sa publiko ng livestream sa online platforms ng Kamara at Senado.
Natapos ng Bicameral Conference Committee ang trabaho para ayusin ang pagkakaiba sa bersiyon ng Kamara at senado sa GAB nitong Linggo ng lagdaan ng bicam members ang Committee report. (Vina de Guzman)