• April 24, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

OPS, nagpasalamat sa serbisyo ng mga Filipino nurses sa gitna ng pandemya

PINASALAMATAN ng  Office of the Press Secretary (OPS)  ang mga Filipino nurses sa Pilipinas at sa ibang bansa para sa naging serbisyo  nito lalo na noong kasagsagan ng Covid-19 pandemic.

 

 

Ang pahayag na ito ng OPS  na naka-post sa kanilang official Facebook page ay bahagi ng pagbati sa ginagawang pag-obserba ng bansa sa Nurses’ Week ngayong buwan ng Oktubre.

 

 

“Taos-pusong nagpapasalamat ang Office of the Press Secretary sa ating mga nars sa bansa at sa iba’t ibang bahagi ng mundo,” ayon sa  OPS.

 

 

“‘Di mapapantayan ang husay at malasakit na kanilang ipinamalas lalo na nang dumating ang Covid-19 pandemic,” dagdag na wika nito.

 

 

Nanawagan naman ang OPS sa publiko na magpakita ng  appreciation o pagpapahalaga sa mga  Filipino nurses  para sa naging sakripisyo ng mga ito.

 

 

Ang Nurses’ Week ay inoobserba tuwing huling linggo ng Oktubre sa bisa ng Proclamation No. 539  na nilagdaan ni dating Pangulong Carlos Garcia noong Oktubre 17, 1958.

 

 

Nangako si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na magkakaroon ng pantay na sahod ang mga nurse sa pampubliko at pribadong ospital.

 

 

“As part of our goal to raise the profile and improve the working condition of nurses, we seek to address the disparity in salaries between nurses in government hospitals with those in the private sector,” pahayag ng Pangulo sa 65th Nurses Week at 100th anniversary celebration ng Philippine Nurses Association (PNA) na ginanap sa Manila Hotel sa Maynila.

 

 

Nabatid na ang mga nurse sa gobyerno ay kumikita ng P30,000 hanggang P40,000 kada buwan habang P8,000 hanggang P20,000 lang umano ang sahod ng mga nurse sa private.

 

 

Kinilala rin ng Pangulo ang naging ambag ng mga Pinoy nurse na pinaganda ang pangalan ng Pilipinas sa buong mundo dahil sa kanilang serbisyo at pag-asikaso sa mga pasyenteng tinamaan ng COVID noong panahon ng pandemya.

 

 

Samantala, nangako naman ang Pangulo na magbubukas ng mas maraming slots  para sa  deployment  ng mga nurses sa ibang bansa habang pinaghuhusay ang  domestic opportunities.

 

 

Suportado rin nito ang pagpapasa ng House Bill 9389 o New Philippine Nursing Practice Act  na may mandato na bigyan ng karagdagang proteksyon at isulong ang  development ng nursing profession sa bansa.

 

 

Muling binanggit ni Pangulong Marcos na noong tinamaan siya ng COVID-19 noong 2020 ay gumaling siya at iba pang pasyente na dinapuan din ng virus dahil sa mahusay na pangangalaga ng mga nurse. (Daris Jose)