OPERASYON KONTRA DROGA SA PANGASINAN, NAGRESULTA SA MALAKING HULI NG SHABU
- Published on July 21, 2025
- by @peoplesbalita
NASAMSAM ng pinagsamang puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency – Pangasinan Provincial Office (PDEA LUPO), PDEA Seaport Interdiction Unit 2 (PDEA SIU 2), Calasiao Police Station, at Pangasinan 3rd District Explosive and Canine Unit (DECU) ang malaking dami ng shabu sa bisa ng search warrant sa Barangay Gabon, Calasiao, Pangasinan.
Kinilala ni PDEA Regional Office 1 Regional Director Atty. Benjamin G. Gaspi ang suspek na si alyas Larry Bird, 47 taong gulang, residente ng nasabing barangay, na naaresto dakong alas-1:25 ng hapon noong Hulyo 17, 2025.
Nasamsam sa operasyon ang 17 piraso ng heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng puting mala-kristal na substansiyang pinaghihinalaang shabu na tinatayang may timbang na humigit-kumulang 60 gramo; isang granada; isang Cal. 9mm na baril (Tanfoglio) na may magazine at leather holster; 31 piraso ng bala ng 9mm; dalawang itim na lalagyan ng salamin; isang lata; iba’t ibang drug paraphernalia; isang kahong gawa sa kahoy; tatlong improvised burners; at isang improvised aluminum sealer.
Isasampa laban sa suspek ang mga kasong paglabag sa Section 11 (Pag-aari ng Mapanganib na Droga), Section 12 (Pag-aari ng Drug Paraphernalia), sa ilalim ng Article II ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002; Republic Act 9516 o ang batas laban sa ilegal na pag-iingat ng pampasabog; at Republic Act 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa PDEA Pangasinan Provincial Office jail facility sa Lungsod ng Urdaneta, Pangasinan. (PAUL JOHN REYES)