• April 7, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Online Driver’s License Renewal System ng LTO dinumog

UMABOT sa 10,000 ang bilang ng mga bumisita sa online driver’s license renewal system ng Land Transportation Office (LTO) sa loob lamang ng unang isang oras matapos itong maging available sa publiko sa pamamagitan ng eGovPH app.

Ang online platform para sa renewal ng lisensya ay bahagi ng pagsusumikap ng Department of Transportation (DOTr), sa pangunguna ni Secretary Vince Dizon, na pagandahin ang serbisyo sa publiko, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na ilipat sa digital platform ang lahat ng transaksyon sa pamahalaan.

Ayon kay Acting Assistant Secretary at LTO Chief Atty. Greg G. Pua, Jr., ipinapakita ng dami ng bumisita na unti-unti nang nagbabago ang paraan ng pag-avail ng mga serbisyo ng gobyerno, at mas pinipili na ng marami ang kaginhawaan ng digital platforms.

“Ginagawa namin ang lahat upang maging mabilis at maginhawa ang lahat ng transaksyon sa LTO para sa milyun-milyon naming kliyente. Wala na ang panahong kailangan pang mag-absent o mag-leave sa trabaho para lamang mag-transact sa LTO dahil ngayon, maaari na nila itong gawin kahit nasa bahay, opisina, o saanmang bahagi ng bansa,” ani Pua.

“Malaking tulong din ito hindi lang sa mga abalang empleyado rito sa Pilipinas kundi lalo na sa ating milyun-milyong OFWs sa iba’t ibang panig ng mundo,” dagdag pa niya.

At nang ilunsad ang app noong Huwebes, naitala ng LTO ang hindi bababa sa 10,000 na access sa loob lamang ng unang isang oras matapos itong ianunsyo.

“Hindi po magsasawa ang inyong LTO na maghanap ng lahat ng paraan upang patuloy na mapabuti ang serbisyo sa ating mga kababayan,” ani Pua. (PAUL JOHN REYES)