Office of Executive Secretary, rerepasuhin ang kaso ni Veloso sa gitna ng clemency plea
- Published on February 11, 2026
- by @peoplesbalita
REREPASUHIN ng Office of the Executive Secretary (OES) ang kaso ni Mary Jane Veloso, ang Pinay na hinatulan sa ibang bansa ng drug trafficking, sa gitna ng kanyang petition for clemency.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, na rerepasuhin at rerebisahing mabuti ng OES ang pinakabagong ‘minutes of the meeting’ sa pagitan ng Indonesia at Pilipinas para madetermina kung mayroong batas na malalabag sa pagkakaloob ng clemency.
Gayunman, winika ni Castro na ang pagkakaloob ng clemency ay prerogative pa rin ng Pangulo.
“Kanina lang po ay nakausap po natin mismo ang sa OES at sinasabi po nila na aaralin po kung ano pa iyong mga probisyon at kung ano ba iyong minutes of the meeting nila sa bansang Indonesia at prerogative pa rin po ng Pangulo ang masusunod,” ang sinabi pa rin ni Castro.
“Aaralin po nila iyong pinakahuling minutes of the meeting nila with Indonesia at titingnan po nila kung walang anumang malalabag na batas at, muli, prerogative po ng Pangulo kung anuman po ang kanyang igagawad dito,” dagdag na wika nito.
Nauna rito, sinabi ng Malakanyang na mas maganda na personal na maipaabot ng kampo ni Mary Jane Veloso, ang Pinay na nahatulan sa ibang bansa ng kasong drug trafficking ang kanyang open letter kay Pangulong Marcos.
“Mas maganda po sana na itong open letter niya ay personal or maipaabot ito mismo sa Pangulo para magkaroon po ng tamang pagdedesisyon patungkol po dito,” ayon kay Castro.
Sa ulat, hiniling ni Mary Jane Veloso sa gobyerno ng Pilipinas na pagkalooban siya ng kalayaan upang maalagaan ang kanyang matatandang magulang at mga anak matapos ang 16 na taong pagkakawalay.
Sa kanyang liham na inilabas ng Migrante International, sinabi ni Veloso na wala na siyang ibang hiling kundi makapiling muli ang kanyang pamilya at iparamdam sa kanyang mga anak ang pagmamahal ng isang ina.
Ipinahayag din niya ang hirap ng kanyang mga magulang na bumibiyahe mula Nueva Ecija ng 8 hanggang 10 oras para lamang bisitahin siya, kasama na ang gastos sa pamasahe at pagkain.
Iginiit din ni Veloso na makalipas ang isang taon mula ng malipat siya dito sa Pilipinas, nananatili pa rin siyang nakakulong kahit wala siyang nagawang kasalanan maging sa ating bansa.
Bagama’t nagpapasalamat si Veloso sa lahat ng sumusuporta sa kanya para makalaya na siya, at dalangin na pagpalain sila ng Diyos sa kanilang kabutihan. Umapela rin si Veloso ng patuloy na suporta para ikampaniya ang kanyang paglaya.
Si Veloso ay kasalukuyang nakakulong sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong, matapos siyang ilipat mula Indonesia patungo sa Pilipinas.
Nagtagal siya ng 15 taon sa kulungan, at ang dating sentensiyang kamatayan ay pinalitan noong 2015 dahil sa apela ng gobyerno ng Pilipinas. ( Daris Jose)