OCTA sa gov’t: Maging maagap vs Delta variant
- Published on July 29, 2021
- by @peoplesbalita
Inirekomenda ng OCTA Research group sa pamahalaan na magpatupad na sa lalong madaling panahon ng “bold moves” gaya ng “circuit-breaker” lockdowns laban sa Delta variant sa Pilipinas.
Sa Laging Handa briefing kaninang tanghali, sinabi ni Dr. Guido David na ang reproduction number ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR) ay pumalo na sa 1.33, malayong-malayo kung ikukumpara sa 0.68 lang sa nakalipas na buwan.
Sa ngayon, hindi pa aniya tukoy kung ano ang totoong dahilan sa pagtaas ng COVID-19 cases, pero posible na ito ay dahil sa Delta variant, na mas nakakahawa kung ikukumpara sa orihinal na strain ng coronavirus.
Ayon kay Professor Ranjiit Rye, nakakaranas na ng surge ang National Capital Region (NCR) sa mga nakalipas na araw, bagay na hindi aniya dapat balewalain o palampasin lamang.
Kapag hindi kasi aniya mapigilan ito, posibleng aabot sa 1,000 cases ang maitatala kada araw sa NCR lamang.
Kaya payo nila sa pamahalaan ay maging maagap tulad ng ginawa ng Australia at New Zealand para maiwasan na lumala pa ang sitwasyon tulad ng nangyari sa India at Indonesia kung saan hindi kinaya ng kanilang health care system ang sobrang dami ng mga naitatalang bagong kaso sa kada araw.
Kaugnay nito, hinikayat ng OCTA ang publiko na iwasan na muna ang pagkain sa labas gaya ng sa mga restaurant at pagdalo sa mga social gatherings.
Sinabi ni Rye na malaki ang posibilidad na kapitan ng virus ang isang tao lalo na kung hindi pa nababakunahan kontra COVID-19.
Sa ngayon, 119 na ang Delta variant cases sa Pilipinas. (Daris Jose)