• October 22, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 22, 2025
    Current time: October 22, 2025 8:54 PM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Obrero na wanted sa robbery sa Caloocan, bagsak sa parak

TIMBOG ang isang construction worker na wanted sa kasong robbery sa isinagawang manhunt operation ng pulisya sa Caloocan City.

Sa ulat, ikinasa ng mga operatiba ng District Special Operations Unit (DSOU) at ng Northern Police District (NPD) ang pinaigting na manhunt laban sa 24-anyos na akusado na kabilang sa mga Most Wanted Person sa lungsod.

Dakong alas-11:15 ng umaga nang matiyempuhan ng tumutugis na pinagsamang mga tauhan ng DSOU at District Intelligence Division (DID) ang akusado sa Sabalo Street, Barangay 12.

Binitbit ang akusado sa bisa ng isang bench warrant of arrest inisyu ni Presiding Judge Rhoda Magdalene L. Mapile-Osinada, ng Regional Trial Court, Branch 170, Malabon City noong March 10, 2025, para sa kasong robbery na inirekomendang piyansa na P100,000.00.

Pansamantalang nakapiit ang akusado sa NPD Custodial Facility Unit sa Kaunlaran Village, Caloocan City habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa hukuman.

Pinuri ni Col. Josefino Ligan, Acting District Director ng NPD ang mga operatiba sa kanilang hindi natitinag na pangako sa pagbibigay ng hustisya at seguridad at muli niyang pinagtibay ang walang humpay na pagtugis ng NPD sa mga criminal. (Richard Mesa)