Obrero na wanted sa rape sa QC, nabitag sa Caloocan
- Published on March 23, 2026
- by @peoplesbalita
HIMAS-REHAS ang 33-anyos na construction worker na wanted sa kaso ng panggagahasa sa Quezon City nang maaresto ng pulisya sa manhunt operation sa Caloocan City.
Sa ulat, nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ni Caloocan Police Chief P/Col. Joey Goforth na nanunuluyan sa Brgy. 179, Caloocan City ang akusado.
Dahil dito, kaagad ikinasa ng mga tauhan ng East Bagong Silang Police Sub-Station (SS13) ang manhunt operation laban sa akusado hanggang makorner siya malapit sa tinutuluyan niyang bahay.
Hindi na nakapalag ang akusado nang bitbitin ng mga tauhan ni Col. Goforth sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Regional Trial Court, Branch 99, Quezon City para sa kasong Rape na walang inirekomendang piyansa.
Matapos nito, dinala ang akusado sa isang government hospital para sa medical examination bago tinurnover sa kostodiya ng SS13 kung saan pansamantala siyang nakapiit habang hinihintay ang utos ng korte.
Pinuri naman ni BGen. Dela Cruz ang arresting team para sa kanilang kasipagan, disiplina, at propesyonalismo sa matagumpay na pagpapatupad ng warrant. (Richard Mesa)