• April 25, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Obrero na wanted sa pagbebenta ng droga, timbog

LAGLAG sa selda ang isang construction worker na wanted sa kaso ng pagbebenta ng iligal na droga matapos malambat ng pulisya sa manhunt operation sa Quezon City.
Kinilala ni PDEG SOU-NCR OIC Chief P/Lt. Col. Christopher Navida ang naarestong akusado bilang si alyas “Gilbert”, 46, ng Barangay Sauyo, Quezon City.
Nauna rito, nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng PDEG SOU-NCR hinggil sa kinaroroonan ni alyas Gilbert kaya kaagad bumuo ng team si Lt. Col. Navida para sa pagdakip sa kanya.
Katuwang ang mga tauhan ng QCPD Station 3 Talipapa, ikinasa ng mga operatiba ng PDEG SOU-NCR sa pangunguna P/Lt. Juan Carlos De Ramos, kasama sina PCpl Alpha Jericho M Olegario, PCpl Raymart A Ditalo, PCpl Christian E Fabrigar, PCpl Christian Jade O Borromeo, Pat Dennis R Yang, Pat Argie S Garcia, Pat Ferdinand Mark B Belleza, Pat Joey E Uy, Pat Resty Jonh B Mejia at Pat Melwin A Eugenio ang pagtugis sa akusado sa koordinasyon sa PDEA.
Dakong alas-9:30 ng gabi nang tuluyang makorner ng mga operatiba ng SOU-NCR ang akusado sa Old Sauyo Road, Brgy., Sauyo Quezon City.
Hindi naman umano pumalag ang akusado nang isilbi ng pulisya ang warrant of arrest na inisyu ng Quezon City RTC-NCJR Branch 226, noong December 26, 2025 para sa paglabag sa Section 5, Article II ng R.A 9165 (service of sentence).
Dalawang Alternative Recording Devices (ARDs) ang ginamit ng pulisya sa operation habang tinurnover naman ang akusado sa kustodiya ng QCPD Police Station 3 Talipapa para sa documentation at proper disposition. (Richard Mesa)