Obrero, kalaboso sa P160K bato sa Valenzuela
- Published on February 18, 2025
- by Peoples Balita
ISANG construction worker na sideline umano ang pagtutulak ng ilegal na droga ang kalaboso nang pagbintahan ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer sa Valenzuela City.
Kinilala ni Valenzuela police chief P/Col. Nixon Cayaban ang suspek na si alyas “Tata”, 40, ng Calle Onse, Brgy., Gen T De Leon.
Sa kanyang report kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/Col. Josefino Ligan, sinabi ni Col. Cayaban na dakong alas-10:05 ng gabi nang maaresto ang suspek sa Karuhatan Public Cemetery sa Brgy. Karuhatan.
Nakumpiska sa kanya ang nasa 24 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P163,200, buy bust money na isang tunay na P500 bill at pitong pirasong P1,000 boodle money at P200 recovered money.
Ayon kay Col. Cayaban, unang nakatanggap ng impormasyon si P/Capt. Joan Dorado, hepe ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) at kanyang mga tauhan hinggil sa ilegal drug activities ng suspek kaya ikinasa nila ang buy bust operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanya.
Ani PMSg Ana Liza Antonio, kasong paglabag sa Sections 5 at 11 sa ilalim ng Article II ng RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 sa piskalya ng Valenzuela City.
Binati ni Col. Ligan ang Valenzuela police sa kanilang dedikasyon at walang humpay na pagsisikap sa paglaban sa ilegal na droga. (Richard Mesa)