NTF, kumbinsido na maitatama ang US CDC advisory ukol sa pagbiyahe sa Pinas
- Published on February 4, 2022
- by @peoplesbalita
KUMBINSIDO ang medical adviser ng National Task Force Against COVID-19 na ang kamakailan lamang na advisory mula sa US Centers for Disease Control and Prevention na nagpalabas ng babala laban sa pagbiyahe sa bansa ay maitatama sa oras na ang ahensiya ay makatanggap ng pinakabagong COVID-19 data ng Pilipinas.
“I’m sure maco-correct nila ‘yan as soon as they get the new data… I’m sure ang binasehan nila diyan ay lumang data natin,” ayon kay Dr. Ted Herbosa sa Laging Handa briefing, araw ng Miyerkules.
Ani Herbosa, tila hindi aware ang US CDC na ang bansa ay nakapagtala ng 9,000 cases, araw ng Martes at ang alert level at risk classification, ay bumaba na sa National Capital Region.
Sinabi ng US CDC na ang Pilipinas ay kasama sa listahan ng mahigit 100 bansa sa ilalim ng “Level 4: COVID-19 Very High” category, na ang ibig sabihin ay mayroong mahigit sa 500 cases kada 100,000 residente sa nakalipas na 28 araw. (Daris Jose)