• October 19, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 20, 2025
    Current time: October 20, 2025 2:47 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Notoryus holdaper na nambiktima sa Caloocan, Bulacan at QC, nalambat ng NPD

NAKORNER ng mga tauhan ng Northern Police District (NPD) sa ikinasang follow-up operation sa Parañaque City ang isang notoryus na holdaper na sangkot sa panghoholdap sa Lungsod ng Caloocan.

Hindi na nakapalag ang 31-anyos na lalaking suspek nang dambahin ng mga tauhan ni NPD Acting District Director P/Col. Josefino Ligan sa kanyang lugar sa G.G. Cruz, Barangay Baclaran, Parañaque City dakong alas-7:20 ng gabi.

Ayon kay Col. Ligan, bandang alas-5:30 ng madaling araw nang tutukan ng baril at holdapin ng suspek ang 24-anyos na biktima na residente ng Brgy., 176-8, Bagong Silang, sa Sto. Cristo St., Brgy. 187, Tala at kinuha ang kanyang wallet na naglalaman ng P2,820 bago mabilis na tumakas.

I-nireport ng biktima at ng saksi na 40-anyos na tricycle driver ang insidente sa mga tauhan ni Caloocan Police Chief P/Col. Edcille Canlas sa Sub-Station (SS14) kung saan natukoy ang pagkakakilanlan ng suspek sa pamamagitan ng CCTV footage na nag-uugnay sa kanya sa magkakasunod na insidente ng pagnanakaw sa North Caloocan, Bulacan, at Quezon City.

Agad namang naglunsad ng manhunt operation ang pinagsamang team mula sa District Special Operations Unit (DSOU-NPD), Quezon City Police Station 5 (QCPS-PS5), Cyber Patrol Unit, at tracker team sa ilalim ng Office of the Chief Regional Staff (OCRS), NCRPO, sa koordinasyon sa Parañaque Police Station na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.

Narekober sa suspek ang ninakaw na wallet at isang hand grenade habang hindi nakuha ang ginamit niyang baril sa panghoholdap.

Pinuri ni Col. Ligan ang mga pagsisikap ng DSOU-NPD, na binibigyang-diin ang kahalagahan ng maagap na policing at intelligence-driven operations para tiyakin ang kaligtasan ng publiko.

Mahaharap ang suspek sa kasong Robbery (Hold-up), paglabag sa RA 9516 (Illegal Possession of Explosives), at Batas Pambansa 881 (Omnibus Election Code). (Richard Mesa)