No work, no pay scheme sa lahat ng mga mambabatas, panukala ni Cong. Sandro Marcos sa Kamara
- Published on February 4, 2026
- by @peoplesbalita
HINDI pa nag-uusap ang mag-amang Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at House Majority Leader at presidential son Sandro Marcos ukol sa panukala ng huli na “no work, no pay” scheme para sa mga miyembro ng Kongreso.
“Tinanong rin po natin ang Pangulo kaninang umaga patungkol po dyan at sinabi po natin na ito’y panukala ni Congressman Sandro. So, mukhang hindi pa po sila nag-uusap patungkol po dito dahil nabigla siya (Pangulong Marcos) na may proposal si Cong. Sandro,” ani Castro.
Ang sabi lamang aniya ng Pangulo ay trabaho ito ng mambabatas at hindi siya makikialam kung ano ang mangyayari. Kung ito ay magiging batas at kung ano ang ihahain lamang sa kanya at mababasa niya ay iyon lamang ang kanyang aaralin.
Para sa Malakanyang, ‘in general’, maganda ang panukala ni Cong. Sandro para malaman din naman ng publiko na ang mga taong hindi nagta-trabaho ay hindi naman dapat makinabang sa pondo ng bayan.
‘Pero muli, inuulit natin ang sinabi ng Pangulo, hindi niya saklaw ang paggawa ng batas,” ang pahayag ni Castro.
Sa ulat, ayon sa House Bill (HB) No. 7432, ninanais ng panukalang ito ni Cong. Sandro na siguruhing nagagasta ang pondo ng bayan para sa mga opisyal na ginagawa talaga ang kanilang mga tungkulin at responsibilidad.
“This bill seeks to institutionalize a ‘no work, no pay’ compensation scheme for Members of Congress, ensuring that public funds are spent only when these elected officials fulfill their duties,” ayon sa HB 7432.
Layon din nitong tapusin na ang “public concern” kaugnay sa isyu ng madalas na pagliban sa mga sesyon at pagpupulong, kakulangan sa pananagutan, at pagkasayang ng pondo ng bayan—na mula sa mga Pilipinong regular na nagbabayad ng buwis.
“The principle of ‘no work, no pay’ is a general labor standard applied to workers across the country. However, Members of Congress, who are entrusted with the responsibility of crafting laws and representing the people, are currently compensated regardless of attendance or participation. This has led to public concern over absenteeism, lack of accountability, and wastage of taxpayer funds,” anang panukala.
Inirerekomenda rin ang “enactment” ng panukalang batas na ito sa lalong madaling panahon. ( Daris Jose)