• January 15, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

No. 9 top most wanted person ng Caloocan, laglag sa selda

LAGLAG sa selda ang lalaki na wanted sa kaso ng illegal na droga matapos matiklo ng pulisya sa pinaigting na manhunt operation sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.

Sa kanyang ulat kay Norhern Police District (NPD) District Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, kinilala ni Caloocan police chief P/Col. Joey Goforth ang akusado bilang si alyas “Jojo”, 33, ng lungsod.

Ayon kay Col. Goforth, si alyas Jojo ay nakatala bilang No. 9 sa Top Ten Most Wanted Person ng Caloocan CPS kaya iniutos niya sa kanyang mga tauhan ang malawakang pagtugis sa akusado.

Nang makatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section (WSS) ng Caloocan CPS hinggil sa kinaroroonan ng akusado, agad ikinasa ng mga ito ang manhunt operation.
Dakong alas-8:30 ng gabi nang tuluyang masakote ng mga operatiba ng WSS sa pangunguna ni P/Lt. Joselito Barredo ang akusado sa Interior 3, Barangay 73.
Hindi naman umano pumalag si ‘Jojo’ nang isilbi nang pulisya ang arrest warrant na inisyu ng Regional Trial Court (RTC) Branch 127, Caloocan City para sa paglabag sa Section 12 ng R.A 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002)
Pinuri naman ni BGEN Dela Cruz ang matibay na dedikasyon ng arresting team na nagpapalakas aniya ng tiwala ng publiko. Hinimok niya ang mga tauhan ng NPD na panatilihin ang antas ng pagganap at patuloy na maglingkod sa komunidad nang may kahusayan. (Richard Mesa)