No. 2 top most person sa kasong rape, nasilo sa Caloocan
- Published on July 6, 2026
- by Francis Paolo Torres
SHOOT sa hoyo ang 25-anyos na kelot na wanted sa kaso ng pangaggahasa matapos madakip ng pulisya sa pinaigting na manhunt operation sa Caloocan City.
Sa ulat ng tanggapan ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Benliner Capili, ang akusado ay kapwa nakatala bilang No. 2 sa Top Ten Most Wanted Person sa NPD at sa Caloocan City Police Station.
Isinagawa ng mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section at Women and Children Protection Desk ng Caloocan Police ang joint operation laban sa akusado hanggang masukol siya sa Apitong St., Pleasant View, Bagbaguin, Brgy. 165,
Dinampot ang akusado sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong Rape na inisyu ng Regional Trial Court, Branch 131, Caloocan City, noong June 8, 2026.
Ayon kay Caloocan Police Chief P/Col. Joey Goforth, walang inirekomendang piyansa ang hukuman para sa pansamantalang paglaya ng akusado.
Pansamantalang nakapiit ang akusado sa Custodial Facility ng Caloocan Police habang hinihintay ang utos mula sa korte para sa paglilipat sa kanya sa Caloocan City Jail. (Richard Mesa)