Nilinaw na walang permiso para manghingi ng donasyon: IAN, nagbabala sa mga grupong gumagamit sa pangalan ni NORA
- Published on July 18, 2025
- by @peoplesbalita
SA kanyang Facebook account, naglabas ng official statement si Ian de Leon, anak ng National Artist at Superstar na si Nora Aunor tungkol sa na-discover nila na may mga grupong nananamantala para makahingi ng pera o donasyon gamit ang pangalan ng pumanaw na ina.Panimula ni Ian, “Ako po ay lubos na nagpapasalamat sa suporta ng aking pamilya, mga kaibigan, mga tagahanga at publiko.
“Taos-puso kong pinahahalagahan ang patuloy ninyong pagmamahal at paggunita sa aking ina, ang yumaong Ms. Nora Aunor.”
Paglilinaw pa niya, “Gayunpaman, nais ko pong magbigay ng isang mahalagang paglilinaw tungkol sa mga lumalabas sa social media na may kaugnayan sa aming ina.
“Para po sa kaalaman ng lahat wala po akong anumang kaugnayan o pakikilahok sa anumang pundasyon, organisasyon, o grupo na nagsasabing sila ay kumakatawan sa kanyang pangalan, imahe, o pamana.
“Dahil dito, hindi ko kinikilala, sinusuportahan, o pinahihintulutan ang anumang uri ng pangangalap o pagtanggap ng donasyon—salapi man o anumang bagay—mula sa alinmang grupo na may kaugnayan sa kanyang pangalan.”
Dagdag pa niya, “Ang pahayag na ito ay inilalabas para sa kapakanan ng malinaw na impormasyon at upang mapangalagaan ang dignidad at pamana ng aming ina.
“Maraming salamat po sa inyong pag-unawa.“
***
SA Linggo, July 20 na ang inaabangang awards ceremony ng 8th EDDYS ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd) na gaganapin sa Ceremonial Hall ng Marriott Grand Ballroom sa Newport World Resorts, Pasay City.
Inaasahan na magiging matindi ang labanan para sa Best Picture na kung saan nominado ang “Green Bones”, “Hello, Love, Again”, “Isang Himala”, “Love Child”, “Outside” at “Under a Piaya Moon”.
Sa Best Actress, kaabang-abang kung sino ang magwawagi kina Jane Oineza (“Love Child”), Judy Ann Santos (“Espantaho”), Marian Rivera (“Balota”), Mylene Dizon (“The Hearing”), Shamaine Centenera-Buencamino (“Pushcart Tales”) at Sue Prado (“Your Mother’s Son”).
Ang tindi rin ng tunggalian nina Alden Richards (“Hello, Love, Again”), Arjo Atayde (“Topakk”), Dennis Trillo (“Green Bones”), Joel Torre (“Lolo and the Kid”), Kokoy de Santos (“Your Mother’s Son”), Sid Lucero (“Outside”) at Vice Ganda (“And the Breadwinner Is…”) para Best Actor.
Hindi rin pahuhuli ang mga nominadong Best Supporting Actress na sina Chanda Romero, (“Espantaho”), Cristine Reyes (“The Kingdom”), Elora Españo (“Your Mother’s Son”), Kakki Teodoro (“Isang Himala”), Lorna Tolentino (“Espantaho”), at Nadine Lustre (“Uninvited”).
Para sa Best Supporting Actor, tiyak na aabangan din kung sino ang mag-uuwi ng tropeo kina Aga Muhlach (“Uninvited”), Joross Gamboa (“Hello, Love, Again”), Miggy Jimenez (“Your Mother’s Son”), Patrick Garcia (“A Journey”), Ronnie Lazaro (“The Gospel of the Beast”) at Ruru Madrid (“Green Bones”).
Bakbakan din ang Best Director na sina Carlo Ledesma (“Outside”), Cathy Garcia Sampana (“Hello, Love, Again”), Jonathan Jurilla (“Love Child”), Kurt Soberano (“Under a Piaya Moon”), Pepe Diokno (“Isang Himala”), Zig Dulay (“Green Bones”).
Samantala, magkakaroon ng delayed telecast ang 8th EDDYS sa Kapamilya Channel, Jeepney TV at may worldwide streaming sa iWant sa July 27, Linggo.
Co-presenter ng 8th EDDYS ang Newport World Resorts at ABS-CBN sa ilalim ng production ng Brightlight Entertainment na pinangungunahan ni Pat-P Daza at ididirek muli ni Eric Quizon.
Major presenter ang Playtime PH sa pakikipagtulungan Globe at Unilab.
(ROHN ROMULO)