NIGERIAN NATIONAL NA SANGKOT SA CYBER CRIME, IKINUSTODIYA NG BI
- Published on March 11, 2022
- by @peoplesbalita
HAWAK na ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Nigerian national na nauna nang naaresto at ikinulong dalawang taon na ang nakararaan dahil sa pagkakasangkot sa credit card fraud and cyber-crime activities.
Sa report kay Immigration Commissioner Jaime Morente, kinilala ng BI’s fugitive search unit (FSU) ang Nigerian national na si Emmanuel Obi Nwadkure, 26, na inaresto sa Hall of Justice bldg. sa Muntinlupa City.
Ang FSU ay armado ng mission order na inisyu ni Morente na isinilbi sa Nigerian habang nag-attend ng kanyang hearing sa Muntinlupa City regional trial court.
Sinabi ni BI-FSU acting chief Rendel Ryan Sy na kinakailangan na nasa kustodiya nila ang Nigerian para masiguro na hindi tatakas o magtatago habang dinidinig ang kaso laban sa kanya.
Sinabi pa ni Sy ay pinayagan mag-piyansa ang dayuhan kaya pinakawalan sa kustodiya ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Paliwanag ni Sy na sa kasalukuyang batas, ang isang dayuhan na may pending criminal case at nakalaya dahil sa piyansa ay kinakailangan ilipat sa kustodiya ng BI bilang bahagi ng deportation proceedings.
Sa datos, ang Nigerian national ay overstaying na, kung saan inaresto noong Sept. 8, 2020 ng mga ahente ng anti-cyber crime unit ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa paglabag sa Republic Act 8484 o Access Devices Regulation Act of 1998. (GENE ADSUARA)