NHA, namahagi ng libreng bigas bilang bahagi ng kanilang ika-50 anibersaryo
- Published on June 18, 2025
- by @peoplesbalita
PATULOY ang National Housing Authority (NHA) sa pamamahagi ng libreng bigas sa mga benepisyaryo ng pabahay bilang bahagi ng nalalapit nitong pagdiriwang ng ika-50 anibersaryo sa susunod na buwan.
Isang inisyatiba ni General Manager Joeben A. Tai, ang pamamahagi ng bigas ay ginanap kamakailan lang sa Northville 1, Bignay, Valenzuela City. Humigit-kumulang 1,200 pamilyang benepisyaryo ang nakinabang sa libreng limang-kilong bigas na pinangasiwaan ng NHA NCR-North Sector Office katuwang ang MANAVA District Office.
Malugod na tinanggap ng mga residente ang tulong, at tinawag itong isang malaking ginhawa sa gitna ng patuloy na pagtaas ng gastusin sa pang-araw-araw na pamumuhay.
“Malaking ginhawa po ang bigas na ito para sa aming pamilya. Sa hirap ng panahon ngayon, kahit maliit na bagay, malaking tulong na po sa aming mga mahihirap,” pagbabahagi ng isa sa mga benepisyaryo.
Matatandaang binigyang-diin ni GM Tai ang kahalagahan ng inisyatibang ito, sabay sabing: “Ang NHA ay hindi lang para magpatayo ng mga bahay. Narito rin kami para tumulong sa pag-unlad ng bawat pamilyang Pilipino. Sa selebrasyon ng aming ika-50 anibersaryo, sinisiguro naming mararamdaman ninyo ang pagkalinga ng NHA.”
Katuwang ang National Food Authority (NFA), ang programa sa pamamahagi ng bigas ay bahagi ng serye ng mga inisyatibang nakatuon sa komunidad na ipinatutupad ng NHA mula Abril hanggang Hulyo 2025 bilang parte ng pagdiriwang ng ika-50 anibersaryo nito. Ang bawat isa ay idinisenyo upang magbigay-ginhawa sa mga benepisyaryo at bigyang-diin ang epekto ng mga programa sa pabahay ng ahensya sa buhay ng tao.
Sa ibinigay na 25 taon pa dito, muling pinagtitibay ng NHA ang pangako nitong iangat ang buhay ng mga pamilyang Pilipino sa pamamagitan ng inclusive at community-centered services na naaayon sa bisyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. ng isang “Bagong Pilipinas.” (PAUL JOHN REYES)