NHA, NAMAHAGI NG ₱3.895 MILYONG AYUDA SA MGA BIKITIMA NG KALAMIDAD SA DAVAO AT PASIG
- Published on September 29, 2025
- by @peoplesbalita
NAMAHAGI ang National Housing Authority (NHA) ng kabuuang ₱3.895 milyong halaga ng tulong pinansyal, bilang bahagi ng Emergency Housing Assistance Program (EHAP), para sa 2,315 pamilyang biktima ng iba’t ibang kalamidad sa rehiyon ng Davao at Lungsod ng Pasig.Sa direktiba ni General Manager Joeben A. Tai, pinangunahan nina NHA Region 11 Officer-in-Charge Engr. Shariffuddin I. Nami, Acting District 2 Manager Gerold P. Namoc, at CSSU Acting Head Helen R. Quiratman ang pamamahagi ng EHAP para sa 2,250 pamilya mula sa iba’t ibang munisipalidad sa Rehiyon na may kabuuang ₱2,055,000.Samantala, isa pang kaparehong aktibidad ang isinagawa sa Brgy. Manggahan, Lungsod ng Pasig noong Setyembre 25, 2025, kung saan ₱1,840,000 ang ipinamahagi bilang ayuda sa mga 65 benepisyaryo na nasira ang mga bahay dahil sa sunog.Ang mga benepisyaryo ng programa ay sumailalim sa serye ng beripikasyon sa pamamagitan ng datos na ibinigay ng partner LGU. Matapos maberipika, ang bawat pamilya ay makatatanggap ng may minimum na ₱5,000 hanggang ₱30,000, depende sa tindi ng pinsala ng kanilang kabahayan.“Sa ilalim po ng direktiba ng ating Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., kami po sa NHA ay palaging handa sa paghandog ng pinansyal na tulong para masuportahan kayong makabangon sa mabigat na pasanin dulot ng trahedya,” saad ni GM Tai sa kanyang mensahe.Ang EHAP ay isa sa mga programa ng NHA na nagbibigay ng cash at iba pang tulong na may kaugnayan sa pabahay sa mga pamilyang apektado ng iba’t ibang kalamidad, upang matiyak ang kanilang pagbangon at pagsisimulang-muli. (PAUL JOHN REYES)