• April 25, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

NHA, NAMAHAGI NG ₱11.44-M TULONG PINANSYAL SA MGA BIKTIMA NG BAGYO SA MANILA

NAMAHAGI ang National Housing Authority (NHA) ng kabuuang ₱11.44-M na tulong pinansyal, sa ilalim ng Emergency Housing Assistance Program (EHAP) ng ahensya, sa 1,144 pamilya mula sa iba’t ibang barangay ng Maynila na naapektuhan ng mga nagdaang kalamidad, sa isinagawang seremonya sa San Andres Sports Complex kamakailan lang.
Pinangunahan ni NHA General Manager Joeben A. Tai, kasama si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, ang pamamahagi ng ₱10,000 sa bawat pamilyang lubhang naapektuhan ng habagat at mga Bagyong Crising, Emong, at Dante.
Sa kanyang mensahe, nagpahayag si GM Tai ng pag-asa na makatutulong ang financial assistance para mapabuti ang kalagayan ng mga benepisyaryo.
“Bilang bahagi ng pagsunod sa direktiba ng ating Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., agaran ang paghahatid namin [NHA] ng EHAP sa mga biktima. Kalakip nito ang pag-asa na maibsan ng EHAP ang mabigat na pasanin na dulot ng mga nagdaang kalamidad,” wika ni GM Tai.
Ang pagpili sa mga benepisyaryo ay batay sa masusing assessment at consolidation na isinagawa ng NHA West Sector sa pangangasiwa ni Regional Manager Engr. Wenson Reyes. Nakipagtulungan din ang ahensya sa local social welfare and development ng Maynila para sa inspeksyon at pagpapatunay sa mga EHAP recipients.
Samantala, sinabi ni Mayor Isko Moreno na ang kaganapan ay ang unang EHAP distribution ng NHA sa ilalim ng kanyang administrasyon.
“Maraming salamat sa NHA at kay GM Tai sa paghahatid ng EHAP sa mga taga-Maynila at sa pagbibigay ng mabilisang tulong at serbisyo sa ating mga kababayan,” dagdag ng alkalde.
Nakasama rin sa okasyon sina NHA Assistant General Manager Alvin S. Feliciano, Manila City Vice Mayor Angela Lei “Chi” Ilagan Atienza-Valdepeñas, at iba pang opisyal mula sa ahensya at Manila LGU.
Nakatakda namang magsagawa ang NHA ng isa pang EHAP distribution para naman sa lungsod ng Caloocan sa mga susunod na araw. (PAUL JOHN REYES)