• October 19, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 19, 2025
    Current time: October 19, 2025 6:25 PM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

NHA namahagi ng ₱10-M sa mga pamilyang nasalanta ng kalamidad bilang bahagi ng ‘HANDOG NG PANGULO’

BILANG bahagi ng “Handog ng Pangulo: Serbisyong Tapat Para sa Lahat” at sa pagdiriwang ng kaarawan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ngayong Setyembre 13, 2025, ang National Housing Authority (NHA), katuwang ang lokal na pamahalaan ng Caloocan, ay namahagi ng tulong pinansyal sa 1,000 pamilyang naapektuhan ng mga nagdaang Bagyong Crising, Dante, Emong, at Habagat sa ilalim ng Emergency Housing Assistance Program (EHAP) nito.

Pinangunahan nina NHA General Manager (GM) Joeben Tai, kasama sina Caloocan 1st District Councilor Vincent Ryan “Enteng” R. Malapitan bilang kinatawan ni Mayor Dale Gonzalo “Along” R. Malapitan at 1st District Caloocan Representative Oscar “Oca” G. Malapitan, ang pamamahagi ng tulong pinansyal na ginanap sa Caloocan City Complex.

Binigyang-diin ni GM Tai sa kanyang mensahe ang kahalagahan ng pagsuporta sa mga pamilyang muling bumabangon mula sa kalamidad:

“Ako po ay naniniwala na ang susi sa isang matatag, maginhawa, at panatag na bansa ay ang kanyang mga mamamayan, kung kaya’t mahalaga po para sa amin ang mahandugan kayo ng kapanatagan at kaginhawaan sa inyong mga buhay.”

Ang EHAP ay isang programa ng NHA na nagbibigay ng ayudang pinansyal sa mga pamilyang naapektuhan ng mga natural at human-induced calamities. Bawat benepisyaryo ay nakatanggap ng ₱10,000, matapos dumaan sa masusing beripikasyon mula sa Disaster Response Operations Monitoring and Information Communication (DROMIC) ng DSWD at datos ng LGU.

Samantala, ang NHA ay nakapagsagawa na ng pamamahagi ng EHAP sa mga lungsod ng Manila, at Malabon, Navotas, Valenzuela (MANAVA) na nagkakahalagang 40.8 milyon sa kabuuan. Patuloy ang iba pang pamamahagi ng NHA ng tulong pinansyal sa pamamagitan ng EHAP sa iba’t ibang rehiyon.

Ang Handog ng Pangulo ay inisyatibo ng kasalukuyang administrasyon na naglalayong mailapit ang mga pangunahing serbisyo ng pamahalaan sa mamamayan. Kabilang sa mga nakilahok na ahensya ang DA, DepEd, DOLE, DOH, DTI, DAR, DENR, DSWD, CHED, TESDA, NCSC at DILG. (PAUL JOHN REYES)