NHA, IPINATUTUPAD ANG FOUR-DAY WORK WEEK; SUPORTADO ANG ENERGY-SAVING EFFORTS NG GOBYERNO
- Published on March 17, 2026
- by @peoplesbalita
INILABAS ng tanggapan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., alinsunod sa Executive Order No. 114 series of 2026 na nag-uutos sa lahat ng ahensya ng gobyerno na mahigpit na sundin ang mga protocol sa pagtitipid ng enerhiya, ipinatupad ng National Housing Authority (NHA) at ng mga regional office nito ang Flexible Work Arrangements epektibo nitong Marso 13, 2026.
Matapos na ipahayag ni NHA General Manager Joeben A. Tai ang suporta ng ahensya sa mga inisyatiba ng gobyerno na nakasentro sa pagtitipid ng kuryente at gasolina ng hindi nakokompromiso ang kalidad ng serbisyo publiko para sa mga stakeholders nito.
“Sa hakbang po na ito ng NHA, nilalayon namin na mas mabawasan po ang pagkonsumo ng kuryente sa aming mga opisina, maging ang pag-optimize ng ilan naming office equipment at facilities, habang pinapanatili po namin ang mas mahusay na work environment at ang pangako ng aming ahensya na isang ‘walang-patid’ na serbisyo publiko,” wika ni GM Tai.
Ayon sa mga guidelines ng ahensya, ang mga opisina ng NHA ay bukas para sa on-site operations mula Lunes (8AM-5PM); Martes hanggang Huwebes (8AM-6PM). Samantala, ang ahensya ay pansamantalang sarado tuwing Biyernes at sistema ng remote work ang iiral sa araw na ito.
Bilang karagdagan, ang lahat ng mga inter-agency meetings at staff engagements ay ililipat sa mga virtual platforms, kasama ang mahigpit na pagpapatupad ng fleet management upang itaguyod ang pagtitipid sa krudo at mabawasan ang pagkonsumo ng petrolyo.
Samantala, umaapela at hinihikayat din ni GM Tai ang lahat ng mga homeowners at benepisyaryo ng pabahay ng NHA na gawin ang kanilang patas na bahagi sa pagtitipid ng gasolina at kuryente sa loob ng kanilang komunidad.
“Sa pamamagitan po ng disiplina, pakikipagtulungan, at responsableng paggamit ng ating mga resources, mas mapapanatili natin ang katatagan ng ating mga komunidad sa kabila ng mga hamon ng kasalukuyan,” ani ng GM.
Sa pinakahuling ulat mula sa Department of Energy, unti-unting nang tumataas ang presyo ng petrolyo at mas tataas pa sa mga susunod na araw mula ₱17 hanggang ₱24 kada litro, gayundin ang posibilidad ng pagtaas ng kuryente.
Ang biglaang pagbabago sa iskedyul ng trabaho ng gobyerno ay dahil sa patuloy na sigalot sa Gitnang Silangan na nagresulta sa pagtaas ng presyo ng gasolina.
(PAUL JOHN REYES)