• February 10, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

NHA, DPWH NAGSANIB PUWERSA PARA SA RESETTLEMENT NG MGA ISFs SA LUZON

IPINAGPAPATULOY ng National Housing Authority (NHA) ang mandato nitong magbigay ng ligtas, disente at abot-kayang pabahay sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa Department of Public Works and Highways (DPWH). Layunin ng pagtutulungang ito ang implementasyon ng mga proyektong nagkakahalaga ng ₱1.8 bilyon na mapapakinabangan ng libu-libong informal settler families (ISFs).”

Ang kolaborasyong ito ay isang mahalagang hakbang sa pagpapatupad ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program ng pamahalaan. Sa ilalim ng Memorandum of Agreement (MOA) na nilagdaan ng dalawang ahensya, ang DPWH ang magpopondo sa mga proyekto sa ilalim ng Comprehensive and Integrated Housing Program (CIHP) at Resettlement Program for ISFs ng NHA. Ang mga proyektong ito ay upang tugunan ang relokasyon ng mga ISFs sa Metro Manila, CALABARZON, at Central Luzon.

Dagdag pa rito, nakasaad sa MOA na mananatiling lead agency ang NHA sa pagsasagawa at pagtatayo ng mga proyektong ito sa ilalim ng mga nabanggit na programa upang matiyak ang maayos na paglipat ng mga pamilya. Samantala, sisiguraduhin naman ng DPWH ang tuluy-tuloy na pagpopondo para sa implementasyon ng proyekto, gayundin sa pagbibigay ng tulong sa pagkuha ng mga kinakailangang clearance mula sa mga lokal na pamahalaan (LGUs) at iba pang kaukulang ahensya.

Binigyang-diin ni NHA General Manager Joeben Tai na ang naturang partnership ay sinisigurado ang pinakamataas na pamantayan sa integridad ng istruktura at sa transparency ng implementasyon nito.

“Our goal is directly aligned with President Ferdinand R. Marcos, Jr. ‘s Expanded 4PH Program to fast-track the transition of our fellow Filipinos from danger zones to dignified and permanent communities,” saad ni GM Tai.

“We will ensure that every peso of these funds is utilized strictly for its purpose,” dagdag pa niya.

Sa kasalukuyan, patuloy ang koordinasyon ng NHA at DPWH para sa maayos na implementasyon ng programa.
(PAUL JOHN REYES)