• October 22, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 23, 2025
    Current time: October 23, 2025 6:45 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

NHA, AGARANG NAGBIGAY NG P29.36M TULONG PINANSYAL SA MANAVA CALAMITY VICTIMS

NAMAHAGI ang National Housing Authority (NHA) ng aabot sa P29.36 milyon sa pamamagitan ng Emergency Housing Assistance Program (EHAP), upang mabilisang tugunan ang mga pangangailangan ng mga nasalanta ng mga bagyong nagdaan at Habagat, umabot sa 2,936 pamilya mula sa Malabon, Navotas, at Valenzuela ang nakatanggap ng tulong pinansyal.
Personal na pinangunahan ni NHA General Manager Joeben A. Tai ang serye ng pamamahagi na ginanap sa Malabon Sports Center, Navotas Convention Center, at Alert Center Multi-Purpose Hall.
Ang bawat benepisyaryo, na naapektuhan ng mga sunod-sunod na bagyo, tulad ng Crising, Dante, at Emong, pati na rin ng Habagat, ay nakatanggap ng P10,000 bilang tulong pinansyal para sa pagpapaayos ng kanilang mga bahay at buhay.
Mula sa kabuuang bilang, 816 na pamilya ang galing sa Malabon, 599 naman sa Navotas, at 1,521 para sa Valenzuela.
“Ang NHA po, sa ilalim ng aking pamumuno at alinsunod sa direktiba ng ating mahal na Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., at adhikain ng Expanded Pambansang Pabahay Para sa Pilipino (Expanded 4PH) Program ng Department of Human Settlements and Urban Development, ay walang humpay at agarang aagapay tungo sa pagpapabuti at pagpapaunlad ng pamumuhay ng ating mga kababayan,” diin ni GM Tai sa kanyang pahayag.
Kabilang din sa mga panauhin ang mga district representatives at chief executives ng tatlong lungsod na sina Malabon Mayor Jeannie Sandoval; Navotas Congressman Toby Tiangco at Mayor John Reynald Tiangco; at Valenzuela Congressman Kenneth Gatchalian at Mayor Weslie Gatchalian.
Nagpahayag ng pasasalamat naman ang mga benepisyaryo mula Malabon, Navotas at Valenzuela. “Lubos po ang aking pasasalamat sa ating Pangulong BBM at sa pamunuan ng NHA sa agarang pagtulong po sa amin at sa aking mga kapitbahay na lubos na sinalanta ng mga bagyong dumaan,” saad ni Jentlie Perenal.
Samantala, ang EHAP ay isa sa mga kasalukuyang programa ng NHA na nagbibigay ng tulong pinansyal sa mga pamilyang apektado ng iba’t ibang kalamidad, upang mabigyan sila ng bagong pag-asa at katiyakan sa kanilang pagbangong muli.
Nakatakdang magsawa muli ng EHAP ang NHA para sa mga ibang pamilya na biktima rin ng mga bagyo sa Manila City at Caloocan City. (PAUL JOHN REYES)