• June 1, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

NHA, AGARANG AAGAPAY SA MGA BIKTIMA NG SUNOG SA TONDO, MANILA

NAGSAGAWA ng agarang aksyon ang National Housing Authority (NHA) para mabigyan ng tulong at suporta ang mahigit 2,000 pamilyang naapektuhan ng malawakang sunog na naganap sa Parola Compound, Tondo, Maynila.

Sa direktiba ni NHA General Manager Joeben A. Tai, ang NHA ay aktibong nakipagtulungan sa lokal na pamahalaan ng Maynila upang lubusang masuri at maitala ang pangkalahatang bilang ng mga apektadong pamilya na nawalan ng tahanan. 

Iniulat ni GM Tai na inihahanda na ng NHA ang mga posibleng tulong na ibibigay ng ahensya sa mga pamilyang naapektuhan ng sunog.

“Nakahanda po ang pagpapaabot ng NHA ng tulong pinansyal sa ilalim ng Emergency Housing Assistance Program o EHAP. Layunin po ng programa na makatulong sa pagbili ng mga pangunahing materyales sa pagtatayo ng mga pansamantalang masisilungan o pambili ng mga agarang pangangailangan ng mga pamilya habang bumabangon mula sa trahedya,” ani GM Tai. 

Sa kaugnay na balita, nakasama rin si GM Tai sa isinagawang relief operation sa Delpan Sports Complex ngayong araw, Mayo 25, 2026, sa pangunguna ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rexlon T. Gatchalian, Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, at iba pang lokal na opisyal ng lungsod. 

Ang NHA, sa ilalim ng pamumuno ni GM Tai, ay patuloy na sumusuporta at tutulong para sa ganap na pagbangon ng ating mga kababayang Manileño. (PAUL JOHN REYES)