NBI, mag-iimbestiga na rin sa PDEA-PNP ‘misencounter’ – DoJ
- Published on February 26, 2021
- by @peoplesbalita
GAGAWA na rin ng sariling imbestigasyon ang National Bureau of Investigation (NBI) sa nangyari umanong “misencounter” ng mga operatiba ng Quezon City Police District at Philippine Drug Enforcement Agency sa Commonwealth, Quezon City kahapon.
Kasunod ito ng kautusan ni Justice Sec. Menardo Guevarra na magsagawa ng “parallel investigation” ang NBI na naganap na engkwentro na nagresulta ng pagkamatay ng tatlong indibidwal kasama ang dalawang pulis at isang PDEA agent.
Layon umano ng imbestigasyon na matukoy ang tunay na nangyari, lalo’t nagdulot ng kalituhan at mga katunungan ang engkwentro.
Nilinaw naman ng Kalihim na ang imbestigasyon ng NBI ay hiwalay pa sa pagsisiyasat na gagawin ng ad hoc joint PNP-PDEA Board of Inquiry, na naunang inanunsyo ni PNP Chief Debold Sinas.
Sa pahayag ng PDEA, lehitimo ang operasyon ng kanilang mga ahente at katunayan ay may dokumento ng koordinasyon na nagpapatunay na magsasagawa ng operasyon sa Commonwealth .
Sa panig naman ng mga pulis, ang QCPD-District Special Operations Unit ay mayroong buybust operations sa lugar ngunit mga taga-PDEA raw pala ang kanilang naka-transaksyon. (GENE ADSUARA)