• July 18, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

NAVOTAS, MAY 177 BAGONG SCHOLARS

NILAGDAAN ng Pamahalaang Lungsod ng Navotas noong Lunes ang isang memorandum of agreement na nagbibigay ng scholarship sa 177 Navoteño students at teachers para sa school year 2026-2027, bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-19th Navotas Cityhood Anniversary.

Sa bilang na ito, 23 ang Academic scholars, 144 ang Athletic scholars, at 10 ang Ulirang Pamilyang Mangingisda Scholarship beneficiaries.

Sa kanyang mensahe, sinabi ni Mayor John Rey Tiangco na muling pinagtitibay ang pangako ng lungsod na isulong ang pag-aaral at personal na paglago ng mga Navoteño.

“Education open unlimited opportunities that can secure our children’s good future. This is why we continuously support those who strive to finish their studies and further their learning,” aniya.

“We want our scholars to reach their full potential and set an example to their fellow teachers and students, and at the same time, be of service to their family and our community,” dagdag niya.

Ang Navotas ay nagbibigay ng academic scholarship sa 15 incoming high school freshmen, anim na incoming college freshmen, at dalawang guro na naghahanap ng mas mataas na edukasyon.

Ang mga high school scholar ay tumatanggap ng P18,000 kada academic year para sa libro, transportasyon, at food allowance.

Ang mga iskolar ng Navotas Polytechnic College ay nakakakuha ng P22,000 kada academic year para sa matrikula, libro, transportasyon, at allowance sa pagkain; habang ang mga iskolar sa ibang kolehiyo o unibersidad ay binibigyan naman ng P262,000.

Ang teacher scholars naman ay binibigyan ng P75,000 kada academic year para sa kanilang matrikula, libro, transportasyon, at allowance sa pagkain, pati na rin ang grant sa pananaliksik.

Samantala, binibigyan ng pamahalaang lungsod ang mga athletic scholar ng P16,500 na transportasyon at allowance sa pagkain, at P1,500 para sa kanilang uniporme at kagamitan, libreng pagsasanay at tulong sa paglahok sa mga kumpetisyon.

Higit pa rito, binibigyan ng Navotas ang mga Ulirang Pamilyang Mangingisda scholars ng P16,500 na allowance sa transportasyon at pagkain, at P1,500 na book stipend kada academic year.

Ang lahat ng mga scholarship ay maaaring i-renew taun-taon, depende sa pagsunod ng benepisyaryo sa mga tuntunin at kundisyon na itinakda ng pamahalaang lungsod.

Ang pamahalaang lungsod ay nag-aalok din ng mga scholarship sa mga mag-aaral na nagpapakita ng huwarang talento sa sining. (Richard Mesa)