• October 20, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 20, 2025
    Current time: October 20, 2025 1:38 PM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

NASAWING BUMBERO NA SUMAGIP NG ASONG NA-TRAP, BINIGYANG PUGAY

PERSONAL na  nagbigay-pugay at tulong  si Jose Antonio “Ka Pep” Goitia, unang nominado ng Ang Bumbero ng Pilipinas (ABP) Partylist sa burol para kay Rodolfo Baniqued, 52, isang boluntaryong hepe ng bumbero na nasawi sa isang sunog sa Tondo, Maynila makaraang sagipin nito ang isang aso na na-trap.
Tiniyak  ni Goitia sa pamilya ni Baniqued na hindi masasayang ang kanyang sakripisyo at ang kanyang  kabayanihan ay magsisilbing inspirasyon sa kanilang grupo upang itulak ang mga kinakailangang reporma sa sektor ng serbisyong pamatay-sunog. Nangako rin siyang magbibigay ng buong suporta sa lahat ng unang rumesponde, tagapagligtas ng sunog, at mga boluntaryo.
Binigyang-diin din  ni Goitia ang pangako ng ABP na ipaglaban ang mas mataas na hazard pay, libreng serbisyong medikal, mas maayos na kondisyon sa trabaho, at insurance coverage para sa mga bumbero—lalo na sa mga nasusugatan o nasasawi sa pagtupad ng kanilang tungkulin.
“Mas determinado kaming ipaglaban ang mga karapatan ng ating mga boluntaryong bumbero at tagapagligtas. Masakit isipin na ang kanilang mga sakripisyo, pati na ang kanilang buhay, ay maaaring balewalain,” ani Goitia.
Ipinagkaloob din ang kahilingan ng boluntaryong bumbero ang pagkakaroon ng breathing apparatus na makakatulong sa kanilang ligtas na pagpasok sa nasusunog na gusali kahit na makapal na ang usok.
Nabatid na  mahigit 20 taon nang naglilingkod bilang boluntaryong bumbero si Rodolfo at maging ang  kanyang mga anak at apo ay bahagi rin ng komunidad ng bumbero na handang  isugal ang kanilang buhay upang sagipin ang iba, kahit pa wala silang natatanggap na benepisyo mula sa gobyerno.
Ilan sa kanilang pangunahing prayoridad ay ang pagpasa ng Firefighters’ Welfare Act, na naglalayong itaas ang sahod, hazard pay, at mga benepisyong pangkalusugan. Kasama rin sa kanilang isinusulong ang Fire Equipment Modernization Bill, na magbibigay ng pondo para sa mga makabagong kagamitan sa pagsugpo ng sunog. Bukod dito, isinusulong din nila ang Community-Based Fire Prevention Program upang sanayin ang mga komunidad at mapahusay ang paghahanda laban sa sakuna. (Gene Adsuara)