Nartatez ‘tututukan’ mga pulis, peace and order sa bansa
- Published on January 30, 2026
- by @peoplesbalita
TUTUTUKAN ni Philippine National Police Chief PGen. Jose Melencio Nartatez, Jr., ang kanyang mga tauhan gayundin ang peace and order sa bansa.
Pormal nang nakuha ni Nartatez ang kanyang 4-star general kung saan sinabi nito na priyoridad niya ang kapakanan at pagseserbisyo ng kanyang mga tauhan at kaligtasan ng publiko.
Ayon kay Nartatez, itutuloy lamang niya ang mga programa ng PNP alinsunod na rin sa kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na maitaas ang moral ng mga pulis at kaligtasan ng bawat Pilipino.
Aminado si Nartatez na mas malaking responsibilidad ang naka-atang sa kanyang balikat ngayon kaya gagawin niya ang lahat upang maproteksiyunan ang PNP at publiko.
“Ang ating sipag, ang ating dedikasyon at ang ating mga sakripisyo ang magiging sandigan at pundasyon patungo sa Bago at Makabagong Pambansang Pulisya ng Pilipinas,” dagdag pa ni Nartatez.
Samantala, sinabi ni Nartatez na magkakaroon ng balasahan sa mga susunod na araw dahil sa pagreretiro at promotion ng mga ospiyal.
“So chain reaction. May mga movement every time,” ani Nartatez.