‘Napipintong food crisis,’ isang paalala para palaguin ang local agriculture
- Published on May 23, 2022
- by @peoplesbalita
PAGBUBUKAS ng ekonomiya sa investments at subsidies para mapalakas ang agrikultura ng bansa lalo na sa mga malalayong probinsiya ay hindi lamang makakatulong para mapabuti ang kalagayan sa mga nasabing lugar kundi makakatulong din para maiwasan ang posibilidad na kriris sa pagkain.
Reaksyon ito ni Dinagat Island Rep. Alan Ecleo kaugnay sa babala ni Agriculture Secretary William Dar na “napipintong food crisis” sa bansa ngayong ikalawang bahagi ng taon.
Ayon sa mambabatas, ang suplay ng pagkain sa mga consumer na Pinoy ay dapat na pangunahing ilaan ng kapwa Filipino producers.
Umapela pa ito sa kapwa mambabatas na magsulong ng mga programa na maglalaan sa mga magsasaka, mangingisda at agricultural cooperatives ng mga kinakailangang infrastructure, kapital, training, at support services upang matulungan ang mga ito na maka-kumpetensiya sa kanilang counterparts sa Southeast Asia at sa global market.
Inihayag pa nito na ang nakaambang food crisis ay isang paalala na walang katumbas ang pagpalago sa sariling kapasidad ng bansa para sa food production.
“As a Province which is separated by sea from the mainland, we have firsthand knowledge on how crucial local production is to sustain local needs. We cannot always rely on imports or gear production towards exports,” ani Ecleo. (ARA ROMERO)