Napagalitan ng ina, delivery rider tumalon sa ilog sa Valenzuela
- Published on January 14, 2026
- by @peoplesbalita
NAGTANGKANG magpakamatay ang 22-anyos na delivery rider nang magtampo matapos umanong mapagalitan ng kanyang ina makaraang humingi umano ng pera sa Valenzuela City, Martes ng umaga.
Batay sa ulat, sumakay ng kanyang motorsiklo ang binata at nagtungo sa Polo Bridge sa M.H. Del Pilar, Brgy. Poblacion dakong alas-8:30 ng umaga at mula doon ay tumalon sa malalim na ilog sa pagnanais na wakasan na ang kanyang buhay.
Isang testigo naman ang nakasaksi sa ginawang pagtalon ng binata sa ilog kaya kaagad itong humingi ng tulong kay P/Capt. Doddie Aguirre, hepe ng Polo Police Sub-Station-5, upang masagip ang biktima.
Kaagad namang rumesponde sina P/SSg. Reileto Jasa at Pat. Keanu Colis sa lugar at pagdating ng mga ito ay nakita nila ang binata sa gilid ng ilog kaya’t pinagtulungan nilang i-ahon ang biktima hanggang tuluyang mailigtas.
Sinabi ni Valenzuela police chief P/Col. Joseph Talento na nahimasmasan at nagbago ang isip ng binata nang sumayad ang katawan sa ilog kaya’t nagpilit na lumangoy hanggang makarating sa gilid kung saan siya tuluyang nailigtas ng pulisya. (Richard Mesa)