• February 5, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Naniniwalang may purpose si Lord kaya ‘di nanalo… EJAY, aminadong iniyakan ang pagkatalo sa 2025 elections

AMINADO si Ejay Falcon na iniyakan niya ang pagkatalo niya sa 2025 elections sa pagka-Kongresista sa Second District ng Oriental Mindoro matapos manilbihang Bise Gobernador ng nabanggit na lalawigan.
“Hindi naman maiiwasan na iniyak ko siya. Ibinigay mo ‘yung best mo. Nangampanya ka.
“‘Yun nga lang, wala ka rin namang pera nung eleksyon. Hindi rin ganoon kalaki yung inilamang nung katunggali ko.”
“After nung iyak na yun, siguro, may purpose si Lord kung bakit nangyari yun. Hanggang biglang nag-SONA. “Nung SONA, pumutok na yung issues katulad ng flood control, malalaking corruptions.”
Naging blessing in disguise raw ang pagkatalo niya dahil tila naging mainit ang mga mata ng publiko sa mga congressmen.
“Ngayon, alam ko na yung purpose, God’s protection, redirection.
”Nung August, nanonood ako ng TV, naglabasan na yung issues. In fairness kay ninong, si direk Lauren Dyogi, nahimasmasan ako.
“Lumuwag yung pakiramdam ko. One time, nagkita kami after elections, lumabas na nga yung corruption issues, sabi niya, ‘Mahal ka talaga ng Holy Spirit. “Tingnan mo kung nariyan ka?’ Sabi ko, ‘Oo nga po.’”
Bakit hindi bilang Gobernador ang itinakbo niya?
“Basta sabihin na lang po natin na nung time na yun ay iniisip ko kung saan ako mas may magagawa. Sektor ng kabataan, education.
“Diyan ako galing. Gusto ko talagang pagtuunan ng pansin. Sa province namin, nakaka-relate yung mga tao sa akin. May mga kabataan na may kanya-kanyang talento.
“Ako, sino ang mag-aakala na from the barrio na walang kuryente at signal ng cellphone ay magiging PBB winner at vice governor.
“Yung nangyari sa akin, ganoon din sa kanila. Gusto kong makapag-aral sila.
“Galing din ako sa wala. Nakakapagtrabaho ako sa showbiz. Okay naman na ang buhay namin. Pero gusto mo kasing makatulong,” sinabi pa ni Ejay.
Ipinagmamalaki naman ni Ejay na nakapagtapos siya ng Bachelor of Arts in Political Science with a Major in Local Government Administration sa University of Makati habang nakaupo siya bilang Vice Governor.
Samantala, nagbabalik-pelikula si Ejay sa “Kappa-tiran,” sa direksyon ni Neal “Buboy” Tan at produced ng Marcos Production ni Nunungan Lanao del Norte Vice Mayor Marcos Mamay.
“Hindi ko puwedeng talikuran ang showbiz kasi mahal ko ang pagiging aktor ko,” saad ni Ejay.
“Dati yung mga ginagawa ko, pa-cute, mga love story. Ngayon, siguro ito yung mas mature na Ejay na makikita ninyo sa movie.
“Sa akin, ang importante, hindi lang basta pelikula. Makagawa lang tayo ng pelikula, sige basta may trabaho tayo, go na lang.
“Hindi kasi ganoon ngayon. Hindi katulad noong nag-uumpisa pa lang ako, kailangan magtrabaho. Kailangan kumita ng pera.
“Ang ganda ng message ng pelikula. Yun naman talaga ang purpose, ang makagawa ng magandang pelikula. Kung kumita, bonus na lang.
“Kung ganito ang mga pelikulang ibinibigay sa akin, kahit siguro araw-araw ako mag-shooting.”
Tungkol sa mga nangyayari sa isang fraternity ang pelikula at nagpapasalamat si Ejay kina direk Buboy at Vice Mayor Mamay dahil pinagkatiwalaan siya ng mga ito na magbida sa ‘Kappa-tiran.’
Kasama rin sa movie sina Sheryl Cruz, Bembol Roco, Sam Coloso, MJ Macalintal at Patricia Javier.